Friday, March 27, 2009

BABAE SA BIKERACK

DAY OFF!!! yan ang pinaka iintay naming mga pinoy dito sa US. maaga akong gumayak patungong mall sa araw na ito. suot ang paborito kong tshirt (led Zep), kupas na maong, chuck taylor at hooded sweatshirt. gagamitin ko ngayon ang aking bagong sasakyan, MB. bago ako lumabas ng bahay tiniyak ko munang mabuti na wala akong maiiwan, wallet (check), pera at ATM (check), shades (check), cellphone (check) at ang susi (double check).


sa mall, nag park ako sa tabi ng CPK at Borders, hindi dito matao dahil sa bandang likod na ito ng mall. kabisado ko na kasi ang mall na ito kaya alam ko kung saan maraming parking. siniguro na nailock ko ang aking MB. ako'y nag gala-gala, patingin-tingin. at nang ako'y magutom tumungo ako sa foudcourt para kumain. hmmmm, ano kaya ang matsibug ngayon? ito ang mga pagpipilian- italian, pizza at mga pagkaing lahat ay may kamatis, pass. mexican, puro may kamatis din, pass. mongolian, greek, american; hirap mag desisyon! sa bandang huli ay may isang japanese restawran, "eto na!" ang sabi ko sa sarili. maganda ang presentasyon ng mga pagkain dito, makukulay at mukhang malinis. masarap ang aking inorder na hilaw na isda na may piling mga gulay at prutas na binalot sa kanin (sushi in short), masasbi kong masarap din ang kanilang raspberry iced tea, medyo matamis pero pasado na sa aking panlasa.


ako'y nag lakad-lakad at pinasok ang aking mga paboritong tindahan, apple, sunglass hut, hot topic, footlocker, etc. wala naman akong balak bumili sapagkat wala pa naman akong sapat na pera (next week pa kasi ang sahod) pagka tapos ay nagbasa muna ako ng mga libro at magasin sa barnes & nobles. manonood sana ako ng sine pero wala namang magandang palabas. mahabang oras na din naman ang inilagi ko sa mall kaya napag desisyunan ko na umuwi na lang, paglabas ko ng mall papuntang parking ay napansin ko na napaka dilim ng mga ulap na para bagang nagbabadya ng ulan, kailangan ko nang magmadali ayokong abutan ng ulan sa kalsada, isa pa ay magiging madulas ang kalsada kaya mas mahirap mag drive...teka nakalimutan ko nga palang banggitin na ang aking MB ay isang Mountain Bike, at ang susi ay para sa padlock.


sa di kalayuan ay natatanaw ko ng ang aking MB na naka tarangka sa bikerack, papalapit na ako dito hawak ang susi nang mapansin ko na may isang magandang dilag na naka upo sa tapat ng bikerack, may kausap sya sa cellphone, parang naiintindihan ko ang kanyang sinasabi, nakupo!!! tama ang aking hinala, isa syang PINAY! tagalog ang kanyang salita. patay malisya akong dumiretso papunta sa kalapit na tindahan, naglapat ang aming mga mata, syet! kamukha pa ng ex ko. di ko pinahalata na akin ang MB na naka park sa tapat nya. alam kong malalait ako pag nalaman nya na naka bike lang ako. di naman sa kinakahiya ko ang aking bike, kung naibang nasyonalidad lang ang babaing ito ay hindi ako mag aatubiling kunin ang aking bike at umuwi na. pero pilipina ito (dyahe), kailangan ko mang umuwi bago umulan ay di ko magawa. sa aking isip ay "di magtatagal ay matatapos din itong makipag usap at aalis na din". lima, sampu, labing-limang minuto ang lumipas ay di pa rin sya natitinag sa kina uupuan. naknamp! umaambon nahhhh! "ano ka ba? pwede ka namang makipag kwentuhan pag uwi mo ng bahay ah" sinabi ko ng pabulong. ilang sandali pa ay tumayo na ang babae at naglakad patungo sa isang paparating na sasakyan, big-black-SUV-navigator-badass! siya ay lumingon pa sa akin bago tuluyang sumakay sa SUV.

whew! kinalag ko na ang padlock nang makita kong papalayo na ang SUV, medyo nag-uulambon na nang magsimula kong tahakin ang landas pauwi kaya ginamit ko na ang hood ng aking sweatshirt, medyo kailangan kong bilisan dahil papadilim na. di naman katagalan ang byahe ko, mga sampung minuto lang at ako'y makaka uwi na rin. huminto ako dahil RED ang ilaw pang trapiko, habang nag iintay mag GREEN ang ilaw pang trapiko, sa aking kaliwa huminto rin ang isang sasakyang parang pamilyar, isang big-black-SUV-navigator. unti unting bumababa ang bintana sa passenger side, eeeennnnngggg (tunog ng power windows), malamig ang panahon dahil autumn ngayon idagdag mo pa ang pag ambon ngunit pinag papawisan ako ng butil-butil. ako'y napaisip "how is all these possible?". sya nga ang babae sa bikerack na pilit kong iniwasan, "nice ride" ang kanyang sabi na ang tunay na kahulugan ay "you're such a loser!", sagot ko naman ay "yeah right" na ang tunay na kahulugan ay "you're such an ass!". ang ilaw pang trapiko ay nag green, ako'y kumanan, sya ay dumeretso. -tapos na po-